NI: CHAMPAIGNE LOPEZ
MARAMING klase ng kaibigan, may mga kaibigan na nariyan na handang tumulong sa iyo sa ano mang bagay o sitwasyon, may mga kaibigan na itinuturing mong pamilya, may mga kaibigan na kahit malayo ay ramdam pa rin na kayo ay magkasama, at may mga kaibigan din na nagtatagal hanggang sa iyong pagtanda.
Mahalaga ang pagpili natin ng tamang kaibigan, lalo na sa panahon ngayon na kaliwa’t kanan na ang mga mapagsamantalang tao. Nariyan ang mga taong tatratuhin kang kaibigan sa simula ngunit pagdating ng panahon ay sisiraan ka lang din pala. Nariyan din ang mapagkunwaring kaibigan na aabusuhin ka at gagamitin sa sarili niyang kapakanan, at kapag dumating sa panahon na wala na siyang kailangan sa iyo ay kakalimutan ka na niya na parang wala kayong pinagsamahan. Kaya naman dapat nating piliin ang ating kakaibiganin.
Ang mga taong sa tingin mo ay hindi tunay na kaibigan ang turing sa iyo ay dapat lamang na iwasan dahil hindi ito makakatulong para sa iyong pag-unlad. Ang tunay na kaibigan ay sasabayan ka sa pagtaas hindi yung taong hihilain ka pababa. Piliin ang magiging kaibigan dahil kung sino ang kaibigan mo ay siya ring magiging pagkakakilanlan ng ibang tao sa iyo.
Tandaan din na hindi ang dami ng kaibigan ang mahalaga kundi ang pagkakaroon ng mga kaibigang totoo sa iyo at tapat at hindi ka iiwanan anuman ang mangyari.