HANNAH JANE SANCHO
IGINIIT ni Former Senate President Juan Ponce Enrile sa panayam ng SMNI News na walang paglabag sa malayang pamamahayag ng Freedom of the Press ang ginawang pagpapatigil operasyon ng National Telecommunications Commission (NTC) sa ABS-CBN.
Aniya, malinaw na ang napasong termino ng prangkisa ng giant network ang isyu dito at hindi ang pag-sugpo o pagkitil sa pamamahayag.
Huwag sanang gamitin ng ABS-CBN ani Enrile ang usaping ito para pagtakpan at maipagpatuloy ang kanilang negosyo.
Giit pa ng dating mambabatas, huwag ding ilagay ang usapin sa galit ng sinuman kung bakit napatigil ang kanilang operasyon.
Aniya, “Ibang isyu iyon. Galit man si Pangulong Rodrigo R. Duterte, galit man ang Kongreso, galit man ang Senado, galit man ang Diyos sa kanila, walang problema iyon. Kung yung prangkisa nila ay walang termino. Hindi indefinite yung negosyo nila. Sinabi ng Kongreso, ito ang prangkisa ninyo, mag-negosyo kayo sa loob ng 25 taon. At pagkatapos noon, kung hindi namin i-extend yung prangkisa ninyo, tapos na yung negosyo ninyo.”
Kahapon nagpalabas ang NTC ng cease and desist order laban sa giant network na nagpapatigil sa lahat ng broadcasting stations nito sa buong Pilipinas dahil sa kawalan ng bagong prangkisa.