HANNAH JANE SANCHO
NAKIUSAP ang Palasyo na huwag munang ituloy ang religious gatherings matapos ulanin ito ng panawagan mula sa mayors at governors ng mga lugar na nasa ilalim na sa general community quarantine o GCQ.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque na umapela ang mga lokal na pamahalaan na nasa GCQ areas na huwag munang payagan ang ganitong mga aktibidad sa kadahilanang magbubukas lamang anila ito ng pagdagsa pa rin ng mga tao kahit pa may inilabas na polisiya na kailangan pa ring ipatutupad ang social distancing measures.
Nitong Huwebes lang, inanunsyo ng Malakanyang na papayagan na ang religious at works gatherings sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ simula ngayong araw, Mayo a-uno, basta’t panatilihin lamang ang pag-obserba sa physical distancing.
Subalit sinabi ni Roque na maaari pang magkaroon ng pagbabago sa mga panuntunang ito na inilabas ng Inter Agency Task Force.
Dagdag pa ng tagapagsalita, uunahin niyang idulog ang naturang usapin sa gagawing pagpupulong ng IATF ngayong araw upang masusing pag-aralan at maikonsidera ang mga apela ng mga local government unit.