MELROSE MANUEL
AANTAYIN nalang ng Department of Social Welfare and Development o DSWD ang pormal na sulat ni Pangulong Rodrigo R. Duterte na magkakansela sa pangalawang bugso ng SAP cash aid sa GCQ areas.
Matatandaang inanunsyo ng Palasyo noong Martes na ang mga indibidwal nalang sa ilalim ng ECQ ang makakatanggap ng ayuda sa ilalim ng Social Amelioration Program o SAP.
Ayon kay DSWD Spokesperson Irene Dumlao, manghihingi nalang sila ng pasensya sa mga taong hindi na makakatanggap ng pangalawang bugso ng ayuda dahil na rin sa utos ng Pangulo.
Nakikipag-ugnayan naman aniya ang DSWD sa National Economic and Development Authority o NEDA at iba pang ahensya ng gobyerno para sa hakbang na gagawin upang makabangon muli ang lubos na apektadong mamamayan dahil sa ipinatupad na protocols ng pamahalaan laban sa COVID-19.