HINDI sumabay ang estado ng Penang sa Malaysia sa muling pagbubukas ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng mas pinaluwag na Movement Control Order (MCO) ng pamahalaan laban sa COVID-19 o ang tinatawag na Conditional Movement Control Order (CMCO).
Nilinaw ng estado na sa Mayo a-otso pa magsisimula ang kanilang pagpapairal sa CMCO ng pamahalaan laban sa COVID-19.
Magpapatuloy parin ang pagpapatupad ng Movement Control Order (MCO) sa buong estado ng Penang habang sa Mayo a-otso naman magsisimula ang pagpapatupad sa CMCO na inihayag ng federal government na sinimulang ipinatupad noong Lunes.
Ayon kay Penang Chief Minister Chow Kon Yeow na hindi ipapatupad sa buong estado ng Penang ang CMCO ngunit nagpasya rin silang gawin ito nang paunti-unti.
Ang mga kumpanya lamang na pinayagan mag-operate bago ang ikaapat na yugto ng MCO ang magpapatuloy ng kanilang operasyon sa loob ng apat na araw simula Mayo a kwatro.
Sinabi rin ni Chow na papayagan lamang ng estado na magbukas ang iba pang mga sektor simula Mayo a otso sa ilalim ng CMCO at ang iba naman ay sa Mayo a trese pa pinapayagang magbalik-operasyon.
Nangangahulugan lamang na maghihigpit parin ang puwersa ng estado at hindi magbabago ang mga regulasyon nito sa ilalim ng ipinapatupad na MCO kabilang na ang mga public transport companies.
Dagdag pa ng Prime Minister na nagpasya ang estado na ilipat ang CMCO sa Mayo a otso upang pahintulutan ang administrasyon ng estado na makapaghanda ng pangkalahatang gabay sa mga tuntunin ng pagpapatupad ng nasabing bagong batas sa loob ng apat na araw.
Ang apat na araw na ito ay magpapahintulot sa mga kumpanya, employer at mga magulang na magplano ng kanilang muling pagbubukas ng negosyo kasama na dito ang paghahanda sa mga safety measures tulad ng hand sanitizers, social distancing rules, face masks at iba pa upang matiyak ang kaligtasan sa bawat lugar.