ADMAR VILANDO
WELCOME para sa Philippine National Police (PNP) ang anumang pagsisiyasat na gagawin tungkol sa paratang na paglabag sa karapatang pantao ng ilang mga pulis sa pagpapatupad ng mga panuntunan sa ilalim ng enhanced community quarantine.
Binigyang diin ni PNP Chief Archie Gamboa na handa sila sa imbestigasyon upang mapatunayan kung may paglabag bang nangyari sa karapatang pantao habang ginagampanan nila ang kanilang tungkulin.
Ito’y bunsod ng mga nangyaring insidente kamakailan na kinasangkutan ng mga pulis, gaya ng pagbaril kay former Army Cpl. Winston Ragos sa isang checkpoint sa Quezon City, pagsita na nagresulta ng komosyon sa pagitan ng isang foreigner at police officer sa Dasmariñas Village sa lungsod ng Makati, at ang paninigaw umano ng mga pulis sa mga residente ng isang condominium sa Taguig City dahil sa hindi pagsunod sa social distancing.
Sa kabila nito, pinaalalahanan nito ang mga police officers na nagbabantay sa mga checkpoints na galangin ang karapatang pantao.
Kinukonsidera ngayon ng PNP ang paggamit ng taser sa quarantine control points (QCPS).
Hinimok naman ni Gamboa ang publiko na panatilihin ang physical o social distancing lalo na sa mga lugar na isinailalim sa general community quarantine.
Dagdag pa ng opisyal na base sa kanilang assessment simula nang ipinatupad ang ECQ noong March 17, nagkaroon ng malaking pagbaba sa bilang ng mga lumabag lalo na sa panahon ng unang pagpapalawig nito noong pangatlo at pang-apat sa buwan ng Abril.