Ni: Champaigne Lopez
SA ATING bansa kung saan laganap ngayon ang pagkakaroon ng depresyon, ang pagiging positibo ay siyang tiyak na makakatulong upang maiwasan ang ganitong klase ng sakit. Bukod dito ay marami pang benepisyo ang pagkakaroon ng positibong pag-iisip.
Narito ang ilan sa mga dapat gawin at tandaan upang maging maganda ang kalusugan sa pamamagitan ng pagkakaroon ng positibong pag-iisip.
- Magbasa ng mga positibong impormasyon
Mahalaga ang bawat salitang lumalabas sa ating mga bibig, gayun din ang ating kinikilos ngunit higit na mas mahalaga kung paano tayo mag-isip. Ugaliing magbasa ng mga positibong impormasyon. Magbasa mula sa mga libro, internet, textbooks etc. Sanayin ang sarili sa ganito nang sa gayon ay masanay din sa pagbibigkas ng mga positibong salita. Makakatulong ito upang mabago ang pag-iisip at malayo sa mga negatibong impormasyon dahil ang tanging focus mo lamang ay mga positibong impormasyon.
- Makihalubilo sa mga positibong tao
Lumayo tayo sa mga negatibong tao at makihalubilo sa mga positibong tao dahil sila ang makakatulong sa atin upang maging positibo rin. Kung mahalaga ang salita, kilos at pag-iisip dapat din natin tandaan na mahalaga rin ang ating ginagalawan at mga taong nakapaligid sa atin. Mula sa kanilang mga salita at sa kung paano sila mag-isip ay ma-absorb natin ito na syang maisasagawa at maisasabuhay natin para sa ating sarili.
- Magsulat ng mga positibong nangyari sa iyo buong araw
Kung malaki ang naitutulong ng ibang tao para sa pagkakaroon mo ng positibong pag-iisip tiyak na mas higit mong matutulungan ang iyong sarili. Simulan sa pagsusulat ng mga positibong nangyari sa iyo sa buong araw, isulat ito sa notebook at basahin ang mga ito pagkatapos ng isang linggo at gawin mong muli. Makatutulong ito upang mapabuti ang iyong mood. Maari mo rin itong basahin sa mga kaibigan mo at hawaan mo rin sila ng pagiging positibo!
Ang kapangyarihan ng pagiging positibo ay maaring makaiwas ng sakit, katulad ng kanser, sakit sa damdamin o sa puso. Maari rin na ma-motivate mo ang sarili mo upang matupad ang mga pangarap sa buhay. Dagdag pa dito ang pagkakaroon ng mahabang buhay sa pagiging positibo. Ayon sa mga artikulo sa Huffington Post, sinasabi na ang mga taong may positibong pag-iisip ay mabubuhay nang mas matagal kumpara sa mga negatibong tao. Kaya kung may pinagdadaanan ka man ngayon ay huwag mag-alala dahil lahat ng nangyayari sa atin ay hindi permanente, lahat ng problema ay may hangganan kaya lumaban lang dahil ang tagumpay at kasiyahan ay nasa ating mga kamay. Manatili tayong positibo.