HANNAH JANE SANCHO
HANGGANG ngayon ay wala pa ring naipapakitang provisional authority ang ABS CBN sa kabila ng pagkakapaso ng prangkisa nito.
Ito ay sa kabila ng paghimok noon ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa Nat’l. Telecommunications Commission (NTC) na bigyan ng provisional authority ang kompanya habang nakabinbin pa ang mga panukala na nagpapalawig sa kanilang prangkisa.
Matatandaang kahapon May 4, ganap na alas onse singkwenta y nueve ng hatinggabi ay nagtapos na ang effectivity ng prangkisa nito.
Nauna nang nagbabala ang Office of Solicitor General Atty. Jose Calida na posibleng kasuhan ang mga komisyuner ng NTC kung gagawin nito ang pag iisyu ng provisional authority.
Taliwas ito sa posisyon ni Justice Secretary Menardo Guevarra na maaari pa ring makapag operate ang ABS CBN Corporation habang nakapila pa rin ang aplikasyon ng prangkisa nito sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Ayon kay Guevarra, maaaring mag-operate pa rin ang Network kahit wala pa mula sa NTC.
Naging basehan ni Guevarra ang mga naunang sitwasyon kung saan pinayagan ng Kongreso na magpatuloy ang operasyon ng isang network na may expired franchise, kahit wala pa mula sa NTC.
Gayunman, kinontra rin ito ni Solgen Calida dahil aniya ang pahayag ni Justice Secretary Guevarra ay personal opinion lamang ito, at hindi legal opinion ng DOJ kung saan, hindi ito maaaring maging legal na basehan sa pinal na desisyon sa kaso ng ABS-CBN, o ng anumang kasong katulad nito.