VIC TAHUD
BUMUO ng Health and Safety Committee ang Philippine Sports Commission (PSC) sa gitna ng pandemic COVID-19.
Ang binuong komite ay magiging epektibo simula ika-dalawampu ng Mayo, ito ay isa sa resolusyon na ginawa ng mga PSC board sa isinagawa nilang online meeting.
Ayon kay PSC Chairman Butch Ramirez, ito ay alinsunod sa Occupational and Health Safety Standards for Public Sector na inisyu ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases at Department of the Interior and Local Government.
Ang napiling pinuno ng health committee ay si Executive Director Merly Ibay at ang mga deputy ay sina Deputy Executive Directors Dennis Rivera, Guillermo Iroy at Marc Velasco.
Samantala, pinag-usapan din ang pagbili ng mga personal protective equipment bilang paghahanda sa pag-shift mula sa enhanced community quarantine patungong modified community quarantine.
Tiniyak naman ng PSC na magbibigay sila ng allowance sa mga atleta at mga coach kahit tigil-training ang mga ito.