MELROSE MANUEL
MAGPAPATUPAD ng malaking pagbabago sa ruta ng mga bus sa Metro Manila dala narin ng epekto ng COVID- 19 sa land based transportation ng bansa.
Ayon kay House Committee on Transportation Chairman Edgar Mary Sarmiento, mula sa 61 bus routes sa EDSA ay magkakaroon na lamang ng single route sa oras na isailalim sa general community quarantine o (GCQ) ang NCR.
Bukod dito ay 29 na lamang mula sa 96 na bus routes sa buong Metro Manila kasama na ang mga ruta na bumabaybay sa EDSA ang mabibigyan ng special franchise kung saan ekslusibo lamang ito para sa iisang ruta.
Suportado naman ni LTFRB Chairman Martin Delgra ang bagong bus system dahil mapapadali aniya nito ang biyahe at standby time ng mga pasahero at maresolba rin ang problema sa traffic.
Sa ilalim nito, tanging mga bus lamang na dedicated o ekslusibong bumabyahe sa EDSA ang papayagan makadaan sa EDSA habang bibigyan naman ng ibang ruta ang mga maaapektuhan ng bagong sistema.