MELROSE MANUEL
NAGBABALA ngayon si Senador Imee Marcos na posibleng magkaroon ng second wave ng COVID-19 kung hindi magiging maayos ang disposal ng mga basura na nagmumula sa mga ospital at laboratory na ginamit sa pagtukoy at paggamot sa mga nahawaan nito.
Aniya, kahit bumababa na ang mga kaso ng impeksyon, hindi imposibleng manalasang muli ang COVID-19 kung hindi pagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang tamang pagtatapon ng mga basura mula sa mga ospital at laboratory.
Inaasahan ang pagdami ng mga medical waste sa sandaling maipatupad ang mas malawak na COVID-19 testing at ang pagluwag sa mga community quarantine.
Dahil dito, hinikayat ni Marcos ang gobyerno na magpatupad ng alituntunin para sa maayos na pagtatapon ng mga medical waste gaya ng test kit, personal protective equipments o (PPEs) gaya ng face mask, gloves, lab at hospital gown at balot sa sapatos.
Inaasahan din na magbabago ang mga ordinansa na may kinalaman sa pagtatapon ng basura kabilang na rin ang paggamit ng platic, kung ang pagbabasehan ay ang mga hakbang na ipinatutupad sa ibang bansa gaya ng double-bagging o pagdoble sa pagbalot ng mga contaminated waste.