MELROSE MANUEL
INIHAHANDA na ng Joint Task Force COVID-19 Shield ang security plan sa posibleng pag-lift ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at ibang bahagi ng Luzon sa May 16.
Ayon kay Philippine National Police Deputy Chief for Operations at JTF COVID Chief Commander Guillermo Eleazar, sa oras na palitan ng general community quarantine ang ECQ, pagtutuunan nila ng atensyon ang police visibility dahil mas maraming tao na ang pwedeng lumabas.
Ito umano ay para mahigpit na maipatupad ang physical distancing at iba pang alituntunin gaya ng pagsusuot ng face mask.
Dagdag ni Eleazar, mananatili ang quarantine control points at dedicated control points sa ilalim ng GCQ pero mas magiging maluwag sila para di magdulot ng mabigat na usad ng trapiko.
Babantayan ng JTF COVID Shield ang posibleng pagtaas ng krimen dahil maaaring maging aktibo muli ang mga kriminal kapag dumami na ang mga tao sa labas.