MELROSE MANUEL
IMINUNGKAHI ni Senador Bong Go sa sektor ng edukasyon na gamitin ang teknolohiya upang paghandaan ang alternatibong paraan ng pagtuturo sa gitna ng kinakaharap na krisis ng bansa dahil sa coronavirus disease.
Ayon kay Sen. Go, dahil sa patuloy na hadlang sa physical mobility ng mga mamamayan ang banta ng COVID-19, hinihikayat nito ang sektor ng edukasyon na bumuo ng mga bagong pamamaraan kung paano makapagtuturo at matututo ang mga mag-aaral habang sumusunod sa physical distancing protocols.
Pinaalalahanan din ng senador ang mga concerned agencies at educational institutions na gabayan ang mga estudyante sa paghahanda para sa susunod na school year sa pagsisimula ng klase sa Agosto 24.
Hinimok din ng senador ang pribadong sektor, partikular na ang telecommunication companies at media networks, na tumulong sa sektor ng edukasyon, sa pamamagitan nang pagpapahintulot na magamit ang kanilang platforms para sa educational purposes.