PINAS NEWS TEAM
INAPRUBAHAN na ni Deputy Prime Minister Trinh Dinh Dung ang konstruksyon ng Terminal 3 ng Tan Son Nhat International Airport dahil na rin sa hiling ng mga awtoridad sa Ho Chi Minh City.
Ang Terminal 3 ay may kapasidad na kayang mangasiwa ng dalawampung milyong pasahero bawat taon at inaasahang makatutulong para mabawasan ang overloaded na Terminal 1.
Pinayagan din ni Prime Minister Nguyen Xuan Phu ang nasa 10.99 trilyong Vietnamese Dong o katumbas ng 472 milyong dolyar na investment para sa gusali ng ikatlong terminal ng Tan Son Nhat Airport.
Inaprubahan din bilang project investor ang Airports Corporation of Vietnam (ACV) na siyang namamahala sa dalawampu’t dalawang civil airports ng bansa.
Inaasahan naman na matatapos ang proyekto sa loob ng tatlumpu’t pitong buwan, at inaasahan din na sisimulan ang pagtatayo nito sa Oktubre 2021.
Ang Tan Son Nhat International Airport ang pinaka-abalang airport sa Vietnam. Meron itong Terminal 1 at Terminal 2 para sa domestic at international flights. Tuwing high peak period, umaabot sa 840 hanggang 850 flights ang naibibigay ng naturang airport na may kabuuang 130,000 pasahero kada araw.