Ni Karen David
ISASAILALIM ngayong araw sa rapid antibody test ang lahat ng depot personnel ng MRT-3.
Ayon sa Department of Transportation (DOTr), ito ay bilang bahagi ng health at safety measure matapos magpositibo sa COVID-19 ang labing limang manggagawa ng Sumitomo-MHI-TESPI, ang maintenance provider ng naturang train system.
Sinabi ng DOTr na ang mga magpopositibo sa rapid testing na isasagawa ng Philippine Coast Guard ay kinakailangan sumailalim sa RT-PCR confirmatory testing at magself-quarantine habang hinihintay ang resulta ng confirmatory test.
Tiniyak naman ni MRT-3 director for operations Michael Capati na ipagpapatuloy nila ang ginagawang disinfection at pagpapatupad ng iba pang hakbang para maiwasan ang pagkalat ng virus sa kanilang depot, mga istasyon at mga tren.
Uulit rin aniya ang depot-wide disinfection na huling isinagawa noong Lunes.
Magpapatupad naman ang MRT-3 management ng karagdagang health at safety protocols para mas limitahan pa ang interaction sa pagitan ng depot at stations personnel.