Ni MJ Mondejar
BIGO paring maipakita ng ABS- CBN ang arbitral ruling na magpapatunay na ligal ang pagkakabalik ng ABS- CBN sa pamilya Lopez pagkatapos ng Martial Law.
Sa nagpapatuloy na ABS- CBN hearing, dumalo si dating Senador Juan Ponce Enrile para personal na linawin ang reacquisition ng pamilya Lopez sa kumpanya pagkatapos ng Martial law.
Ayon kay Enrile, pinasara ang lahat ng media entities sa bansa noong Martial Law period kabilang na ang ABS- CBN.
Subalit ayon kay Enrile, may utang na sa pamahalaan ang ABS- CBN at ang Meralco na dating hawak ng pamilya Lopez bago paman ito ipinasara ng Marcos regime.
Katunayan, ayon kay Enrile, nais ipa-assume noon ng pamilya Lopez ang dalawang kumpanya subalit hindi pumayag si dating Pangulong Marcos.
Noong January 6, 1987 nang maisapinal ang compromised agreement sa pagitan ng administration ni former President Cory Aquino at ng ABS- CBN management para maibalik ang control sa kumpanya.
Sa ilalim ng kasunduan, nagbayad ang pamahalaan ng P97.5 million pesos sa ABS- CBN bilang renta sa pagpapagamit ng facilities ng kumpanya mula 1986 hanggang 1992.
Subalit ayon sa Presidential Commission on Good Government o PCGG, ang ABS- CBN ang dapat magbayad ng renta sa gobyerno.
Samantala, ang request na minutes ng arbitral process pati na ang mismong arbitral ruling ay hindi parin naibigay ng panig ng ABS- CBN.
Sa hearing, ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, ang arbitral ruling lamang ang makapag-papatunay na ligal ang pagkakabalik ng kumpanya sa kamay ng mga Lopez.
Sagot ng ABS- CBN, patuloy pa nilang kinakalap ang mga hinihinging dokumento.