Ni MJ Mondejar
HINDI na isasalang sa lockdown ang buong Batasang Pambansa matapos magpositibo sa COVID-19 ang dalawa sa empleyado ng Kamara.
Ito ay taliwas sa security measure na ipinatupad noon nang unang tumama ang COVID- 19 sa ilang empleyado ng House of Representatives kung saan nagpatupad ng lockdown sa buong compound.
Sa mensahe nito sa SMNI News, sinabi ni House Secretary General Jose Luis Montales na may mga protocol na silang inilatag para sa positive cases.
“There’s no need for a lockdown. Protocols for handling positive cases and their close contacts are being observed,” ayon kay Sec. Gen. Jose Luis Montales.
Katunayan, ayon kay Sec. Gen. Montales, isa ang contact tracing sa mga protocols na kanilang inilatag para matunton kung sino ang nagkaroon ng close contact sa mga positive cases.
Ang mga bagong kaso sa Kamara ay mag-asawa na naka assign sa Printing Service Office at Engineering Department.
Kahapon lamang, June 8, 2020 nang makumpirma na positibo ang dalawa sa COVID.
Nasa anim na empleyado na ng House of Representatives ang nagpositibo sa virus kung saan dalawang empleyado na ang nasawi dahil sa virus.
March 15, 2020 nang masawi ang unang house employee na isang 41- anyos na lalaki na isang staff ng printing service.
Anim na araw matapos masawi ang unang positive case, namatay naman ang ikalawang empleyado na 65-anyos na congressional staff. Yung ibang tinamaan ng virus ay nakarekober.
Mahigpit ang mga security protocols sa loob ng Batasang Pambansa, simula nang magresume ang session hanggang mag sine die noong nakaraang linggo, ramdam na ramdam ang pag-iral ng ‘new normal” sa Kamara.
Kung dati, punuan sa plenary ng mahigit 300 kongresista sa tuwing sesyon, ngayon ay 25 na lamang na mga mambabatas ang nasa loob ng plenary.
Matindi ang pagpapatupad ng physical distancing at hindi lalagpas sa 50 katao ang nasa loob ng session hall.
Ang mga committee hearing, imbis na physical at nasa mga kwarto dito sa Batasan ginaganap, ngayon ay via zoom o teleconference na ang pagsasagawa.
Nauna nang sinabi ni House Speaker Alan Peter Cayetano na ngayong panahon ng pandemya, kailangang maramdaman ng mga Pilipino na gumagana ang mga sangay ng gobyerno kaya inadopt nila ang pagdaraos ng hybrid meetings at plenary session.