Ni Jao Gregorio
IPINA-UUNA ni Senator Risa Hontiveros sa pamahalaan na mabigyan ng trabaho ang mga displaced workers sa bansa sa panahon ng pandemiya.
Kasunod ito ng naging anunsyo ng Malacañang na sisimulan na nila ang kanilang kampanya na humikayat ng mga foreign investor na mamuhunan sa bansa.
Ani Hontiveros, dapat unang i-hire ang milyon-milyong Pinoy na nawalan ng kabuhayan at daang libong OFW na napauwi ng bansa dahil sa COVID-19 outbreak.
Isa naman sa nakikitang solusyon ng mambabatas ang job-skills matching para sa mga displaced workers.
Kailangan lang ani Hontiveros na magsagawa ng survey ng pamahalaan sa mga kakayahang mayroon ang mga Pinoy na aakma sa mga existing at future flagship projects ng gobyerno.
Kasunod nito ay hinihikayat din ni Hontiveros ang National Economic and Development Authority na bumuo ng masterplan na lilikha ng maraming trabaho at investments sa bansa.