Ni Vhal Divinagracia
INAASAHANG magbalik-pasada na rin ngayong buwan ang mga tsuper ng UV Express.
Inihayag ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Martin Delgra III na isinasapinal ng Technical Working Group (TWG) ang guidelines para sa pagbabalik kalsada ng UV Express sa Metro Manila sa pagtatapos ng buwan.
Anito, ginagawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mabalanse ang kanilang responsibilidad sa panunumbalik ng operasyon ng pampublikong transportasyon at pagtulong upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 partikular sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ).
Tinitiyak naman ni Delgra na minamadali na nila ang implementasyon ng phase two ng pagbubukas ng public transportation sa Metro Manila kung saan kabilang dito ang UV Express operations.
Ipinatupad ang phase one ng pagbalik ng public transportation mula Hunyo a-1 hanggang Hunyo a-21 sa mga GCQ areas.
Ngayong araw, nagsimula ang pagbabalik kalsada ng modern public utility jeepney.