Ni Karen David
UMARANGKADA na ngayong araw ang “drop box” enrollment system ng Department of Education (DepEd) bilang pagpapatuloy ng enrollment para sa school year 2020-2021.
Ang drop box o kiosks ay matatagpuan sa mga barangay hall o mga eskwelahan.
Ayon sa DepEd, magsisilbi ang mga ito na pick-up at drop-off ng Learner Enrollment Survey Form (LESF).
Ang “drop box system” ay para sa mga walang access sa remote o online enrollment.
Sa huling tala ng DepEd kaninang alas 8 ng umaga, umabot na sa mahigit 11 milyon ang kabuuang bilang ng mga kasalukuyang nakaenroll sa kindergarten hanggang grade 12 kabilang na ang mga nasa ilalim ng ALS program at non-graded learners with disabilities sa buong bansa.