Ni Claire Hecita
MATAPOS ang tatlong buwang lockdown sa Florianopolis na capital city ng Santa Catarina, balik na sa normal ang pamumuhay ng siyudad sa ngayon.
Bumaba ang kaso ng namatay sa corona virus sa siyudad ng Florianopolis habang wala namang naitatalang kaso ng corona virus sa loob ng tatlumpu’t dalawang araw.
Ayon kay Health Secretary Carlos Alberto Justo da Silva, dahil ito sa ipinatutupad na mga safety precautionary measures ng pamahalaang lokal at ng state government na nababatay aniya sa siyentipikong ebidensya.
Nagpatupad si Silva ng maagang social isolation at mabilis na pagtukoy sa mga kontaminado para maiwasan ang pagkakahawa ng impeksyon sa mga tao.
Matatandaan na Marso a-dose ang unang naitalang dalawang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Makalipas ang isang linggo agad ding sinuspendi ang face-to-face classes sa mga paaralan at unibersidad, pagsasara sa mga sinehan, theaters, museums, libraries at iba pang pampublikong serbisyo.
Namuhunan din ang siyudad ng Florianopolis ng 4.5 milyong Brazilian Real sa pagbili ng nasa 35,000 tests para sa pagsusuri sa mga pinaghihinalaang kaso ng coronavirus kabilang dito ang mga may mild symptoms.
Para naman sa mga pumasok sa bansa o sa siyudad sa pamamagitan ng Hercilio Luz International Airport, dadaan ang mga pasahero sa sanitary barrier at kapag matuklasang nagdadala ng virus ay agad naman itong isailalim sa pagsusuri.
Tuluy-tuloy naman ang health surveillance sa mga na-diagnosed na positibo sa sakit kung saan ang hindi tatalima sa ipinatupad na quarantine ay maaring pagmultahin. Mula noong nagsimula ang pandemya, nasa apatnapu’t isa na ang pinagmulta at sampu naman ang lumabag sa isolation.
Nang magsimula ang mga lockdown at quarantine sa estado ay pinasimulan naman ang isang libreng telephone at internet service para sagutin ang mga katanungan ng mga residente at para na rin mamonitor ang may mga sintomas ng naturang sakit.