Ni Troy Gomez
TINIYAK ng gobyerno na maipagpapatuloy ang food programs para sa mga ‘target Filipino children’ kahit pa sa gitna ng kinakaharap na hamon dala ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, siyang chair ng Task Force on Zero Hunger ng pamahalaan, kailangan nilang pag-aralan nang maigi ang naturang mga programa mula sa pagpaplano hanggang sa implementasyon nito lalo pa’t dapat gumawa ng ibang hakbang sa gitna ng pandemya.
Dagdag pa ni Nograles, tinatrabaho na niya kasama ang iba’t-ibang ahensya maging ng Zero Hunger Task Force ng pamahalaan para baguhin at kung papaano iimplementa ang School-Based Feeding Program (SBFP) ng Department of Education (DepEd).
Ani Nograles, halimbawa na lamang dito ay imbes na hot meal, pwedeng iprovide sa mga day care student ang nutritious food packs kasama na rito ang vegetable noodles, kanin, nutribuns, at iba pa.
Inilahad pa ng palace official na ang nasabing food packs ay maaaring iparating ng gobyerno sa mga komunidad ng mga estudyante o ipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) kasabay ng koordinasyon sa mga Barangay Day Care Center.