Ni Cresilyn Catarong
SA gitna ng panawagan na bigyan ng duty allowance ang mga frontliner sa gitna ng COVID-19, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na hindi lang hazard pay ang ipinagkakaloob ng pamahalaan sa mga ito kundi mayroon din silang special risk allowance.
Binibigyan ng hazard pay at special risk allowance ang mga frontliner sa gitna ng peligrong kinakaharap ng mga ito dahil sa COVID-19.
Ito ang inihayag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado na may kaugnayan sa apela ni Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa Executive Department na bigyan ng duty allowance ang mga government personnel na nagboboluntaryong magtrabaho sa mga Mega Swabbing Facilities (MSFS).
Sa ilalim ng Congressional Joint Resolution No. 4 (S. 2009), sinabi ni Go na maaaring payagan ng punong-ehekutibo ang pagbibigay ng allowances at benepisyo sa mga government employees batay sa rates and regulations na idedetermina ng DBM.
Sinabi naman ni Secretary Avisado na sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act, mayroong hazard pay na matatanggap ang lahat ng frontliners.
At pinalaki pa nga aniya ito, ginawa nang 500 kada buwan at ang special risk allowance ay 25 percent ng kanilang monthly pay.
Ani Avisado, binibigyang-pansin ng pamahalaan ang mga frontliner lalo pa’t nalalagay sa panganib at peligro ang kanilang buhay sa tuwing nagre-report sila sa kanilang trabaho.
Giit ng kalihim, batid din ng gobyerno ang pangangailangan ng mga frontliner gaya ng pagbili ng mga personal na gamit, vitamins at kung ano pang bagay na magbibigay proteksyon sa kanilang kalusugan.
“Kung mayroon pang iba na isinusulong ay pag-aaralan pa namin upang makita rin namin kung paano maipatupad natin ito basta ang mahalaga ay kinikilala ng pamahalaan ang kalakasang loob at debosyon sa pagserbisyo ng mga kawani at frontliner upang tuparin ang kanilang tungkulin.
Samantala, binanggit ni Avisado na umabot sa mahigit 355.6 billion pesos (Php 355,677,151,125) ang nagastos ng gobyerno para sa COVID-19 response.