NI: MJ MONDEJAR
GINISA si ABS- CBN Chairman Emeritus Gabby Lopez sa isyu ng kaniyang citizenship at ang allegiance niya sa US bilang isang US passport holder. Inamin din niyang bumoto siya noong 2016 US election.
Batay kasi sa 1987 Constitution, para lamang sa mga Pilipino ang karapatan na magmay-ari ng mass media company sa bansa, bagay na kinukwestyon kay Lopez bilang may-ari ng pinakamalaking media company ng bansa.
Sa hearing, natukoy na dual citizen si Lopez o siya ay isang Filipino at American citizen.
Sa depensa ng kampo nito, siya ay natural born dahil isinilang ito sa pawang Pilipinong mga magulang saklaw ng 1935 Constitution. Aniya, sakop si Lopez sa jurisdiction ng 1935 constitution dahil isinilang ito noong 1952.
American citizen din ito dahil isinilang si Lopez sa US at sa ilalim ng law of soil ay otomatiko itong naging US citizen.
Subalit taong 2000 lamang nang mag-apply ito ng Certificate of Recognition sa Bureau of Immigration para maging Filipino citizen at makakuha ng Philippine passport.
Subalit ayon kay Deputy Speaker Rodante Marcoleta, malinaw na nakasaad sa Konstitusyon na sa mga Pilipino lamang maaaring igawad ang pagmamay-ari ng mass media entity sa bansa.
“Ang sinasabi po kasi doon, yung pagmamay-ari at pamamahala ng isang mass media company ay sa mga Pilipino. Wala po sanang problema doon kung si Ginoong Gabby Lopez ay Pilipino lang, saad ni Marcoleta.”
“Ang nagiging problema po natin dito ay ang Saligang Batas, matibay ang kaniyang paninindigan na Pilipino lamang, pati nga po korporasyon, kooperatiba, asosasyon na magmamay-ari at mamamahala nito kinakailangan ding wholly owned and managed by such citizens. Kinakailangan po kasi na palagi tayong gumagalang sa probisyon ng Saligang Batas.”
Inusisa naman ni Anakalusugan Partylist Rep. Mike Defensor ang renewal ng US passport ni Lopez noong 1996.
Ayon kay Defensor, malinaw na nasa US ang allegiance o katapatan ni Lopez bilang US citizen nang magrenew ito ng American passport.
Tahasan ding inamin ni Lopez na bumoto siya noong 2016 US elections na para sa mga kritiko nito ay tanda na mas matimbang sa kaniya ang pagiging US citizen.
Samantala, ipinaliwanag naman ng Department of Justice o DOJ ang kaso ni Lopez na Pilipino ang mga magulang subalit isinilang sa US.
Ayon sa DOJ, ang proseso ng naturalization ay nakadepende sa kung ano ang nasyunalidad ng mga magulang ng aplikante.
Nang matanong naman si Lopez kung dumating ba ni minsan sa isip nito na e-renounce ang kaniyang American citizenship, aniya “Yes I have considered it”.