Ni Vic Tahud
NAGSANIB-PWERSA ang Department of Transportation (DOTr), Philippine Coast Guard (PCG), at mga airline company para tulungan ang mga Locally Stranded Individuals (LSIs) na apektado ng mga kanseladong biyahe pauwi ng Visayas at Mindanao sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Nasa mahigit isang daang mga LSIs ang inilisan mula sa ilalim ng flyover sa airport at ipinunta sa Villamor Air Base.
Isinailalim naman ang mga ito sa COVID-19 rapid test at inayos ang kinakailangang mga dokumento upang maisakay ang mga ito sa special flight papuntang Visayas at Mindanao.
Karamihan sa mga LSIs ay na-rebook ang kanilang mga flight sa malayong date ngunit umaasa parin ang mga ito na makasakay kaya pinili na lamang nilang maghintay malapit sa airport.
Samantala, nananawagan naman ang ilang airline company sa local government unit na buksan o dagdagan ang bilang ng mga flights na pinapapasok sa kanilang mga lugar upang mapadali ang pag-uwi ng mga stranded na pasahero.