Ni Admar Vilando
IBINASURA ng korte ng Hawaii ang cash smuggling case laban kay Felina Salinas, ang lider ng Filipino megachurch na The Kingdom of Jesus Christ ni Pastor Apollo C. Quiboloy.
Ito ang iginiit ng US legal counsel ng grupo na si Atty. Michael Jay Green sa isang pahayag.
Dahil aniya rito, na-clear din si Salinas sa bigo nitong pag-report at pagtatago ng US$335,000 at AUS$9,000 na nakita sa suitcase na nasa loob ng jet pabalik ng Pilipinas mula Hawaii noong 2018.
At dahil ang jet ay sa Kingdom of Jesus Christ, ang founder nito na si Pastor Quiboloy, na nasa eroplano rin, ay nadamay sa isyu.
Kasunod din ng pagbasura ng kaso, nalinis din ang pangalan ng butihing Pastor.
Ayon kay Atty. Green, ang pagbasura ng kaso ay nangyari kasunod ng pahayag ng naghatid kay Pastor Quiboloy sa airport sa mga federal agent na huwag ilagay sa eroplano at iwanan na lang sa likod ng sasakyan.
Dagdag pa ni Green na matapos na matanggap ang utos ni Pastor, agad na kinuha ni Salinas ang suitcase na balak iuwi sa Pilipinas.
Hindi alam ni Salinas kung ano ang nasa loob ng suitcase, gaya ng ebidensya na ipinakita sa korte.
Pinabulaanan din nito ang alegasyon na pinoprotektahan ni Salinas si Pastor Quiboloy.
“He did not need protection for anything because he did not even know what was in the suitcase,” pagbibigay diin ni Green.
Ang tanging kaso na lang ngayon na kinakaharap ni Salinas ay ang maling pahayag nito na sa kanya ang nasabing suitcase.
Matapos ang pagbasura sa mga kaso, hindi lalagpas sa 90 araw na probation at home detention ang ipapataw kay Salinas.
Si Salinas ay naka-home detention simula nang makasuhan ito noong 2018.