Ni Cresilyn Catarong
NATANGGAP na ng Palasyo ang enrolled copy ng anti-terror bill.
Ito ang kinumpirma ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque makaraang aprubahan ng Kongreso ang naturang panukala.
Una na ring sinabi ni Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na natanggap na ng Office of the President, Office of the Executive Secretary, at Office of the Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) ang enrolled copy ng anti-terror bill matapos niya itong pirmahan maging ni House Speaker Alan Peter Cayetano.
Layon ng panukala na palakasin pa ang Human Security Act of 2007 upang mapigilan ang paglaganap ng terorismo sa bansa.
Sa ilalim ng anti-terrorism bill, mas maliwanag ang pakahulugan at mga elemento ng krimen ng terorismo kung saan sakop din ang terorismo sa labas ng bansa.
Iginiit naman ng Palasyo na walang ‘draconian provisions’ sa nasabing bill.
Bagamat sinertipikahang urgent ang naturang panukala, inihayag ng Malakanyang na mayroong tatlumpung (30) araw si Pangulong Rodrigo R. Duterte para rebyuhin ito.
Samantala, binanggit ng palace spokesman na pinahihintulutan ang sinuman na nais magsagawa ng protesta kaugnay sa anti-terror bill, mañanita-type man ito o mass gatherings pero striktong hanggang sampu katao lamang.
Una rito, kabi-kabilang kampanya ang isinagawa ng mga kritiko at aktibista bilang pagtutol sa anti-terrorism bill na anila’y may mga probisyon na posibleng makalabag sa karapatang pantao at malaki ang tsansang maabuso ito kapag naging batas.