Ni Cherry Light
SINIMULAN na ng Manila City Government ang pagbibigay ng libreng COVID -19 test sa mga kawani ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno sa lungsod.
Ayon kay Manila City Administrator Felixberto Espiritu, ang pagbibigay ng libreng rapid test sa mga empleyado ng government agencies ay base na lamang kung ang mga ito ay humingi ng tulong.
Unang nagpasailalim sa rapid test ang mga kawani ng Bureau of Immigration at magpapatuloy pa ito ng hanggang bukas.
Kung matatandaan isang linggo na ang nakalilipas ay kusang nilockdown ng Bureau of Immigration ang main office nito sa Intramuros Manila dahil isa sa mga empleyado dito ay nagpositibo sa COVID-19.
Kahapon ay muli na namang balik operasyon ang tanggapan ng Immigration sa Intramuros.
Bukod sa Bureau of Immigration, sasailalim din sa araw ng Huwebes at Biyernes ang mga empleyado ng National Bureau of Investigation o NBI para sa rapid testing.
Handa ring magbigay ng tulong ang lokal ng pamahalaan ng Manila para magsagawa ng COVID -19 testing sa mga empleyado naman ng Old Ombudsman Building kung saan matatagpuan ang Manila Regional Trial Court at Metropolitan Trial Court.
Pansamantala munang sinarado ang mga naturang gusali dahil isa sa mga public prosecutor doon ay nagpositibo rin sa coronavirus disease.
Bagamat wala pang iniabot na sulat o rekwest ang kanilang tanggapan ay sasailalim muna ang mga empleyado ng self-quarantine at magsasagawa naman ng disinfection at sanitation sa mga gusali.
Samantala ipinagmamalaki naman ni City Administrator Esperitu na kakaunti lamang na porsiyento sa mga empleyado ng city government ang nagpositibo sa rapid test.
Bukod dito patuloy pa rin ang ginagawang COVID -19 testing ng Manila Health Department para sa mga residente ng Lungsod ng Maynila.
Kung matatandaan nalampasan na ng Manila City Government ang target nitong 400 -500 bed capacity mula sa labing 12 quarantine facility na ginawa sa lungsod kung saan dito muna pansamantala ilalagay ang mga nagpositibo sa rapid test habang nag-aantay sa resulta ng Swab test.
Sinimulan na ring ginagawa ngayon ang tatlong testing laboratories na pag-aari ng Maynila kung saan gagawin ang confirmatory test o swabbing para sa mga nagpositibo sa rapid test.
Inaasahan sa madaling panahon ay bubuksan na ang isa sa mga laboratory test ng Maynila.