Ni Karen David
INAASAHAN na magpapatupad pa ng mas malawakang localized lockdown sa National Capital Region (NCR) sa pagpapalawig pa ng General Community Quarantine (GCQ) sa rehiyon.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, ito ay paraan upang mapabagal ang pagkalat ng COVID-19 dahil alam naman aniya ng lahat na kinakailangan na ring buksan ang ekonomiya.
Paliwanag ni Roque, bagama’t ang Metro Manila ay nasa GCQ, mas magiging agresibo ang pamahalaan sa pagpapatupad ng quarantine measures.
Kasunod nito, sinabi ng tagapagsalita na ngayong nasa GCQ pa rin ang Metro Manila at magkakaroon ng mga localized lockdowns, umaasa ang gobyerno na hindi aabot sa 40,000 ang kaso ng COVID-19 sa bansa.
Una na kasing nagbabala ang ilang eksperto mula sa University of the Philippines (UP) na kapag nagpatupad ng premature na pagpapaluwag ng COVID-19 restrictions, maaari itong magresulta sa pagsirit ng COVID-19 cases sa 24,000 pagdating ng June 15 at 40,000 pagdating naman ng June 30.