Ni Pol Montebon
SA kabila ng pagpapauwi ng pamahalaan sa higit sa walong daang Locally Stranded Individuals sa NAIA, ay patuloy naman na dumadami ang standby passengers sa Skyway Ramp malapit sa NAIA Terminal 3 para maghintay ng schedule ng pag-uwi.
Personal nang nakikiusap si Pasay City Mayor Emi Calixto sa publiko, partikular na sa standby passengers sa NAIA, na iwasan na gawing tambayan ang Skyway Ramp na malapit sa NAIA Terminal 3.
Ayon sa alkalde, mas mainam na hintayin nalang ng mga pasahero ang kumpirmasyon ng kanilang flights bago umalis ng bahay. Bukod sa delikado, hindi malayong magkahawaan din ng COVID-19.
“We advise these people not to leave their homes until their flights or bus rides have been confirmed,” ani alkalde.
Ayon sa Pasay City LGU, muling may namataan na hindi bababa sa limampung katao ang nagtambay sa lugar pero agad ding napaalis ng mga otoridad.
Giit ng Pasay City LGU, ang pagtatambay ng mga LSI sa Pasay ay nagdudulot lamang ng pangamba lalo na’t patuloy ang hamon ng COVID-19 pandemic sa bansa.
Bagay na iniingatan ng lokal na pamahalaan ang malalaking pagtitipon o kumpulan para maiwasan ang hawaan ng sakit.
“We have to remember that the virus knows no boundaries. It doesn’t discriminate. It targets people of all ages, and it hits hard,” wika ng alkalde.