Ni Jao Gregorio
IPINAALALA ni Senator Sonny Angara sa mga repatriated overseas Filipino worker na maaari silang mangutang sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ito ang nakikitang paraan ni Angara para muling makapagsimula sa kanilang buhay ang mga napauwing OFWs.
Nakapaloob sa akda ni Angara na Republic Act 10801 or The Overseas Workers Welfare Administration Act na binibigyan nito ng mandato ang OWWA na makapag-pautang sa mga OFW na may mababang interest.
Base sa pinakahuling tala ng Department of Health, nasa 56,000 OFW na ang napauwi sa bansa at maaari pa itong umabot sa 100,000 ayon sa Palasyo.
Samantala, sa naging hearing naman kahapon ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development patungkol sa naturang loan, sinabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na nakapag-tie up na sila Landbank of the Philippines para magbukas ng window for loans para sa mga OFW.
Sa report ni Cacdac, nasa 1,500 OFWs na ang nakapag-loan at aabot sa isang bilyong piso na ang nailabas ng ahensiya.