Ni Vhal Divinagracia
PAIIRALIN na ang Modified Train Capacity (MTC) ng Philippine National Railways (PNR) simula sa Lunes, Hunyo a-22.
Sa ilalim ng MTC, tataas na ang bilang ng pasaherong pahihintulutan sa loob ng tren kada byahe nang hindi sinasakripisyo ang minimum safety and health protocol.
Kasunod ito ng pagpapatupad ng General Community Quarantine na pinairal noong Hunyo a-1.
Dahil dito, maari nang magsakay ng hanggang 97 na pasahero ang mga bagon na “face mask and face shield” zone habang 45 na pasahero naman ang papayagan sa “face mask” only zone.
Mauunang ipatutupad ang MTC sa Metro South Commuter-Bicutan, Dela Rosa, Alabang, Tutuban, EDSA at FTI Stations na kinukonsiderang high-volume passenger stations.
Habang sunod na ipatutupad ito sa Metro North Commuter-Bicutan, Dela Rosa, EDSA, FTI at Governor Pascual Stations.
Pinaalalahanan naman ng pamunuan ng railway ang mga pasahero na sumunod sa health at safety protocols sa loob ng tren at estasyon gaya ng pagsuot ng parehong face mask at face shield, pagbawas sa paggamit ng gadgets at mobile phones at pag-iwas sa pakikipag-usap sa mga co-passengers.
Mahigpit ding ipinatutupad ang social distancing sa loob ng estasyon at mga tren ng PNR.