Ni Crysalie Ann Montalbo
DUMARATING sa puntong kinakaya mo lahat ng bagay, nakakabuo ka ng desisyon, naisasalba mo ang mga gawain para sa panibagong araw na hindi mo namamalayan na ikaw ay mag-isa. May mga araw na may mga ngiting namumutawi sa’yong mga labi dulot ng kasiyahan sapagkat alam mong ang pagiging produktibo ay nagbigay sa’yo ng lakas at tibay na siyang nagpapatunay na kaya mong maging masaya kahit ka nag-iisa.
Subalit, sapat na ba ang pagiging mag-isa dahil masaya ka na?
Umaabot sa puntong kahit anong pag-alala mo sa mga magagandang karanasan na binuo mo nang mag-isa, ngiti lang ang naibibigay ngunit permanente lang ang saya.
Isa sa pinakamagandang yaman na nananatiling nakatago sa ating buhay ay ang masilayan ang ngiti ng mga kaibigan. Bukod sa kanilang mga sari-saring biro na talagang sasakit ang iyong tiyan sa katatawa ay ibang klase rin ang mga pagkakataon na makitang nandiyan sila para sa’yo.
Maraming beses na may hidwaan o hindi pagkakaunawaan, subalit ang mga totoong kaibigan ay hindi kailanman mawawala sa panahon ng iyong pangangailangan. Kaya’t sa magandang pananaw na inyong dapat maunawaan, mas mabuti ang pagkakaroon ng totoong kaibigan kaysa kaibigan lamang dahil kahit sa panahong nag-iisa ka, alam mong sila ang iyong mayayakap at masasandalan sa panahon ng kagipitan o kalungkutan.