Ni Jao Gregorio
UMAKYAT ng 78.22% ang natanggap na reklamo ng Department of Trade and Industry (DTI) sa online transactions mula nang pinairal ang community quarantine sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, mula sa 985 online transaction complaints na kanilang natanggap mula noong buwan ng Enero hanggang Marso ay pumalo na ito sa 8,095 sa buwan ng Abril hanggang Mayo.
Ani Castelo, bagaman bumaba ang natatanggap na reklamo mula sa mga transaksyon sa kilalang online shopping platforms ng 40.99% ay sumipa naman sa 62.16% ang reklamo sa mga transaksyon na isinasagawa sa social media site na facebook.
Kabilang sa mga complaints ay defective products, deceptive sales, poor customer service at sales promo.
Partikular sa tumaas ang reklamo ay patungkol sa overpricing ng mga face mask at alcohol kung saan mula sa 51 complaints ay umakyat ito sa 6,992.
Nilinaw naman ni Castelo na hindi hawak ng DTI ang naturang mga produkto kaya’t ang resolusyon ng complaint ay ipauubaya sa Department of Health (DOH).