Ni Karen David
HINDI obligado ang mga magulang at estudyante na bumili ng gadgets o magpakabit ng internet para makalahok sa learning programs na ipatutupad ngayong school year.
Ito ang muling paalala ng Department of Education (DepEd) matapos magpakamatay ang isang estudyante sa Barangay Fidel Surtida sa Santo Domingo, Albay noong Hunyo 17 dahil sa umano’y ‘pressure’ sa online learning.
Sa pahayag ng DepEd, ipinaliwanag nito na isa lamang sa mga opsyon ang online learning sa blended learning na ipatutupad ng ahensya.
Hindi anila bulag ang DepEd sa realidad at nauunawaan na hindi pantay ang sitwasyon ng bawat mag-aaral at komunidad.
Sa kasalukuyan, ginagawa na anila ng DepEd ang mga paghahanda upang maisakatuparan ang home-based learning gamit ang TV, radio, online at printed modules.
Samantala, nagpaabot naman ng pakikiramay ang kagawaran sa pamilya at mahal sa buhay ng nag-suicide na estudyante.
Nakatakdang magsimula ang klase sa Agosto 24 at inaasahang magtatapos sa Abril 2021.