Ni Margot Gonzales
PABOR si Navotas City Mayor Toby Tiangco na ibalik ang bakcriding sa magkakapamilya. Pero aniya dapat ang sinumang asawa o mag-ina o mag-ama na nagbabackride ay kailangang hanapan ng identification card. Ang mahirap daw kasi sa mga Pilipino ay ang pagiging magaling lumusot.
Giit niya dapat tanging mag-asawa lamang ang dapat payagan sa backriding. Yong sinasabing live in o boyfriend dapat hindi na yan payagan kasi kung papayagan lahat nalang magsasabi na mag live in sila, wala namang proper na documentation na magkalive in sila.
At dahil sa mag-asawa naman ang maaring payagan sa backriding ay naniniwala ang alkalde na hindi na kailangan pang maglagay ng kagamitan o protective feature ang motorsiklo, useless naman na daw ito lalo pa’t lagi naman silang magkasama sa bahay.
Para naman kay Dept. of Public Safety and Traffic Management o DPSTM Chief Larry Castro ng Caloocan City, kailangan pa ring maglaan ng divider at iba pang safety feature sa motorsiklo kahit mag-asawa o magkapamilya pa ang papayagan sa backriding.
Aminado rin ito na sa oras na ipatupad o papayagan na ang backriding lalo na sa mag-asawa ay dagdag trabaho ito sa mga otoridad lalo pa’t kailangan nilang tiyakin ang validity ng isang mag-asawa gaya na lamang kung pareho ang mga ito ng apelyido.
Sa huli ay sinabi ni Castro na kung ano man ang magiging guidelines o kautusan ng IATF hinggil sa kinbackriding ay handang sumunod ang buong DPS ng Caloocan City.
Sa ngayon aniya habang wala pang bagong kautusan hinggil sa backriding ay patuloy silang manghuhuli sa makikita nilang nagbabackride sa mga kalsada sa Caloocan City.
Naniniwala naman si Sen. Grace Poe na mas ligtas ang kin backriding o backriding sa myembro ng pamilya kesa ang sumakay sa limitadong transportasyon o maglakad sa tuwing lalabas ng bahay.
Naniniwala kasi si Poe na mas malaki ang tsansa ng impeksyon kung maglalakad lamang, o makikipag-unahan ang mga ito sa pagsakay sa limitadong transportasyon sa tuwing pupunta sa trabaho o sa bawat lalabas ito ng bahay at sasakay ng tricycle para makabili ng kanilang mga pangangailangan.
Dagdag pa ng mambabatas kung papayagan ang backriding sa motorsiklo ng mga magkakamag-anak ay uunti ang bilang ng mga pasaherong stranded dahil pa rin sa kakulangan sa public transportation.
“Malasakit ang panawagan ng ating mga manggagawang naglalakad nang kilo-kilometro bago makasakay. Ubos na ang lakas nila bago pa man makarating sa pinagtatrabahuhan o opisina,” ani Sen. Poe.
Samantala ang mga commuters naman ay sang-ayon na rin na ibalik ang backriding.
Una namang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isinasapinal na ang guidelines para sa muling pagbabalik ng backride para sa pribadong motorsiklo.