Ni Arjay Adan
WALANG nakikitang problema ang Philippine Basketball Association (PBA) sa desisyon ng amateur star na si Thirdy Ravena na maging Asian import para sa San-En NeoPhoenix sa Japanese B League sa susunod na dalawang taon.
Bagaman nilaktawan ni Ravena ang PBA draft noong nakaraang taon dahil sa ambisyon nitong makapaglaro sa ibang bansa, nakipag-usap ito ng personal kay PBA Commissioner Willie Marcial upang humingi ng pahintulot sa kanyang plano.
Ani Marcial, wala siyang problema sa desisyon ni Ravena ngunit kung lalaktawan ulit nito ang susunod na draft sa susunod na dalawang taon ay kakailanganin na ulit nitong humingi ng pahintulot sa PBA kung nais niya pang ipagpatuloy ang paglalaro sa ibang bansa.
Base kasi sa panuntunan ng PBA, ang kahit na sinong manlalaro na kwalipikado para sa draft ay hindi ito maaaring palampasin ng dalawang taon at maaari itong maharap sa pagka-ban o suspension sa liga.
Ani Marcial, masaya naman sila sa desisyon ni Ravena dahil prayoridad din ng PBA ang kanyang hinaharap.