Ni Melrose Manuel
NAKATAKDANG i-aanunsiyo ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ngayong araw, Hunyo 15, ang pinal na desisyon sa ipatutupad na community quarantine sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia, ipina-ubaya na lamang ng labing pitong alkalde ng Metro Manila sa Inter Agency Task Force o IATF kaugnay sa quarantine status na ipatutupad sa Kamaynilaan.
Tiwala rin aniya at handang sundin ng mga alkalde ang magiging pasya ni Pangulong Duterte.
Samantala, tinawag na fake news ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kumakalat na mga balita na ibabalik sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila.
Ayon kay DILG Secretary Eduardo Año, peke ang impormasyong kumakalat sa social media dahil ngayong araw pa i-aanunsiyo ni Pangulong Duterte ang desisyon hinggil sa paiiraling community quarantine protocols sa NCR, at iba pang bahagi ng bansa.