Ni Arjay Adan
MALAYA na sa sakit na cancer ang dating volleyball national team head coach na si Roger Gorayeb.
Sa Instagram post ng kanyang dating manlalaro na si Gretchen Ho, kinumpirma nito ang magandang balita kasabay ng Father’s Day.
Ayon kay Gorayeb, sa ginawang serum test sa kanya noong nakaraang buwan ay nag-negatibo na ito sa lahat at wala ng kahit anong senyales ng cancer sa kanyang buto.
Ngunit aniya ay hindi pa rin nais magpakakumportable ng kanyang mga doktor kaya sasailalim siya sa final session ng serum test sa susunod na buwan.
Kapag nag-negatibong muli ang kanyang test ay isasailalim na lamang ito sa maintenance at umaasa rin siya na hindi na muli itong babalik.
Matatandaan na sumailalim si Gorayeb sa walong cycle ng therapy at apat na buwang dialysis bago makarekober sa multiple myeloma.