Ni Kristine Joy Labadan
IKAW ang katumbas ng limang taong madalas mong makasalamuha, ayon kay Jim Rohn.
Hindi ba’t interesanteng obserbasyon ito? Ano ang ibig sabihin nito para sa’yo? Tingnan mo ang iyong paligid. Suriin ang iyong mga kaibigan. Sino ang madalas mong nakakasama at ano ang ipinaparamdam nila sa’yo? Tinutulungan ka ba nilang makamit ang iyong mga layunin?
ANG IMPLUWENSIYA NG SUMUSUPORTA SA ATIN
Ang mga taong sumusuporta sa atin ay napakahalaga. Napapadali ang pagkamit ng tagumpay kung ikaw’y napapaligiran ng mga taong mabuti para sa ikauunlad mo. Nabibilang na ang mga pag-aaral na nagsasabing mahalaga sa ating pagkatao ang pagkakaroon ng maraming kaibigan ngunit sa kabilang banda’y higit na mas kailangan natin ng mabuting klase ng pagkakaibigan.
Madalas na tayo’y nananatiling konektado sa ating mga matagal nang kaibigan, gayunpaman, ang kaibahan ay nagbabago ang ating mga mithiin sa buhay habang tayo’y tumatanda. Nagbabago rin ang ating pananaw sa maraming bagay at usapin.
Kung ikaw’y nakapunta na sa isang reunion ng iyong mga kamag-aral, maaaring mapagtanto mo ang ilang bagay. Ang realization na ito ay hindi dapat humantong sa pagputol mo sa pagkakaibigan sa mga kaibigan mo nang marami ng taon. Kahit na iba na ang kanilang estado sa buhay o nag-iba ang mga paniniwala ninyo, panatilihin pa rin dapat ang pagkakabuklod ninyo. Ang hindi lamang dapat kalimutan ay ito — huwag asahan na ang magiging reaction nila sa iyong buhay at tagumpay ay magiging tulad ng iyong inaasahan base sa pakikisalamuha ninyo sa isa’t-isa minsan sa inyong buhay. Tanggapin at maging masaya sa iyong sarili at maging sa mga pagbabago sa iyong mga kaibigan.
Laging magsikap na sumama sa mga taong positibo ang pananaw sa buhay. Siguruhin at paligiran ang sarili ng mga taong inilalabas ang iyong kagalingan. ‘Wag sumuko sa pagkakaroon ng grupong handa kang hamunin tulad ng iyong paghamon sa sarili.
Ang mga taong may pambihirang angking talino o may personalidad na kaaya-aya, mga tinatawag na may winning aura, ay nakakaakit ng mga katulad nila gaya ng pagkaakit ng tagumpay sa taong masikap.