Ni Crysalie Ann Montalbo
MALAKING impluwensiya sa mga kabataan ang paninigarilyo ng kanilang mga iniidolong artista o hinahangaang mga kaibigan kung kaya’t di dapat ipagsawalang bahala ito ng mga magulang.
Sisirain ng paninigarilyo ang kalusugan ng mga kabataan at ang bisyong ito ay isang paraan lang ng pagsasayang ng pera mula sa pinagpaguran ng mga magulang.
Kaya’t narito ang ilang tips na maaaring makatulong sa mga magulang upang mapatigil ang masamang bisyong ito:
* Magkaroon ng plano kasama ang buong pamilya. Sa pamamagitan ng pagsusulat ng mga plano at regulasyon ay mas madali itong maaalala ng iyong anak at madarama nila na kasali sila sa lahat ng mahalagang gawain o alituntunin sa tahanan.
* Hasain ang iyong anak sa mga paraan ng pagtanggi sa mga taong mag-aalok sa kanya ng sigarilyo. Sa ganitong gawain, may posibilidad na masanay ang iyong anak sa kanyang natutunan sa’yo.
* Hikayatin ang iyong anak na sumama sa mga kaibigan na hindi gumagamit ng sigarilyo upang mailayo sila sa paligid na puno ng maninigarilyo, lalo na’t mas delikado sa katawan ang tinatawag na second-hand smoking.
* Kung sakaling hindi man nila napigilan ang paggamit ng sigarilyo, huwag basta bastang magpadaig sa galit. Mahinahong ipaliwanag sa kanila ano ang mga di kanais-nais na epekto ng paninigarilyo sa kanilang kalusugan. Mas mainam ito at mas malaki ang posibilidad na makinig ang mga anak kesa kung dadaanin agad sa galit.
* Tandaan din, isa sa pinakamahirap na bahagi sa buhay ng mga naninigarilyo ay ang mismong pagtigil nito. Sa harap ng matinding hamon na ito, ipadama sa anak ang lubos na suporta. Kausapin ang iyong anak, tukuyin ang mga naging sanhi ng pagkakaroon ng bisyo at magkasamang hanapan ng solusyon.
* Upang mas makumbinsi pa sila sa iyong mga bilin, magbigay ng mga motibasyon na makumbinsi ang mga ito na huwag ituloy ang bisyo, tulad ng pagreregalo ng damit, sapatos, concert tickets at iba pa.
Subalit, hindi sa lahat ng pagkakataon ay magiging epektibo ito. Kaya’t maging maingat pa rin sa pag-iisip ng mga paraan upang mailigtas ang anak sa bisyo.
Panghuli, dapat ay mabuting ehemplo ka na hindi kailangan magumon sa naturang bisyo. Ang magulang ang isa sa pinakamalaking impluwensya sa bahay kaya’t sa magulang din dapat magsimula ang pagkakaroon ng mabuting gawi.