Ni Cresilyn Catarong
SA gitna ng pandemyang nararanasan, nanawagan ang Palasyo kay dating Senador Antonio Trillanes IV na huwag mag-imbento ng kontrobersiya para lamang sa pampulitikang interes. Ang pahayag ay nag-ugat nang hamunin ni Trillanes ang administrasyon na italaga bilang lider ng Inter-Agency Task Force (IATF) si Vice President Leni Robredo.
Nanawagan si Presidential Spokesperson Harry Roque kay dating Senador Antonio Trillanes IV na huwag baluktutin ang pahayag nito para lamang sa motibong pampulitika.
Una rito, nanawagan ang Malakanyang kay Vice President Leni Robredo na magbigay ng mga solusyon sa pagpapauwi ng locally stranded individuals (LSIS) sa halip na tuligsain ang gobyerno hinggil sa mga hakbang nito.
Sa isang mensahe, sinabi ni Roque na ikinalungkot nito ang naging reaksyon ni Trillanes kung saan lumilikha pa ito ng intriga at nagdudulot ng dibisyon sa gitna ng kinakaharap na pandemya makaraang maghamon ito sa administrasyon na italaga bilang lider ng Inter-Agency Task Force (IATF) si Robredo.
Binigang-diin ni Roque na huwag na sanang gumawa pa ng kontrobersiya si Trillanes kung wala namang dapat na maging isyu.
Giit ng palace spokesman, mas maiging mag-ambag na lamang ang dating senador ng posibleng hakbang para maibsan ang kahirapang kasalukuyang dinaranas ng mamamayang Pilipino dulot ng COVID-19.
Muli namang inihayag ng malakanyang na kinilala nito ang kontribusyon ng bise presidente sa paglaban sa coronavirus sa pamamagitan ng pagtulong sa mga Pilipino sa kanyang sariling sikap at kapamaraanan.
Dagdag pa ng Palasyo, kung ang intensyon ni Vice President Robredo ay tunay, hindi na kailangan pa na italaga siya na pamunuan ang IATF gaya ng iminungkahi ni Trillanes.