Ni Troy Gomez
NAIS paimbestigahan ni Senate President Vicente Tito Sotto III sa Senado ang tunay na dahilan sa mga naireport na COVID-19 related deaths ng mga high profile inmate ng New Bilibid Prison at ang mabilisang cremation ng mga ito.
Sa Senate Resolution No. 468 na inihain ni Sotto ay sinabi nitong nakakaalarma ang balita na mayroon ng siyam na high profile inmates ang namatay sa NBP dahil umano sa COVID-19.
Isa nga rito ay si Jaybee Sebastian ang star witness sa Bilibid drug trade at ang nagbunyag na si detained Senator Leila De Lima ay tumanggap ng bribe mula sa mga convicted drug lords para masuportahan ang kaniyang senatorial campaign noong 2016 elections.
Ayon kay Sotto, maraming katanungan ang dapat masagot gaya na lamang kung bakit walang mga autopsies ang mga ito. Gusto rin masagot ni Sotto ang dahilan kung bakit hindi naipaalam sa Department of Justice ang naging kalagayan ni Sebastian.
Base sa record ng Panteon De Dasmariñas Cemetery sa Dasmariñas Cavite, ay sinasabing na-cremate ang bangkay ni Sebastian noong Hulyo 18.
Nais ding malaman ni Sotto ang dahilan ng pagtaas ng kaso ng tinatamaan ng COVID-19 virus sa loob ng NBP. Ayon sa report ay sinabi ni Sotto na noong Hunyo 4 ay mayroong 222 COVID-19 cases ang NBP kung saan 10 ang namatay sa mga ito. Sa loob ng 10 araw naman ay nakapagreport ang BuCor ng 301 confirmed cases at 16 deaths.