Ni Jonnalyn Cortez
KARANIWAN sa mga tinatamaan ng Alzheimer’s disease ang mga nagkakaedad, kahit pa nga hindi ito normal na parte ng pagtanda. Sinasabing madalas magkaroon nito ang mga 65-taong-gulang pataas, ngunit sa isang pag-aaral sa Amerika, maging ang mga mas bata ay maaaring tamaan nito.
Isang progresibong uri ng sakit ang Alzheimer’s at wala pa ring natutuklasang gamot para rito. Nakakaranas ng pagkalimot, pagkawala ng memorya at cognitive degeneration ang mga may ganitong karamdaman na nagpapalala sa kondisyon habang tumatagal.
Sa kawalan ng lunas, paano nga ba maiiwasang ma-develop ang Alzheimer’s disease? Narito ang ilang tips na maaari ninyong gawin.
Mag-ehersisyo at mag-meditate
Ugaliing mag-ehersisyo upang mapanatiling gumagalaw ang iyong katawan at tumatakbo ang isip. Maaaring mag-umpisa sa simpleng paglalakad, pagtakbo o mag-jogging. Hindi lang nito mapapanatiling malusog ang iyong katawan kundi maging ang iyong pag-iisip.
Maaari ring subukang mag-aerobics, na isa ring magandang ehersisyo para sa kalusugan ng pag-iisip. Pwede ka rin mag-medidate upang i-improve ang iyong konsentrasyon at memorya.
Matulog at pasiglahin ang kaisipan
Kailangan mo ng sapat na tulog, mga pito hanggang walong oras kada gabi, upang ipahinga ang iyong pag-iisip. Kung hirap ka makakuha ng matinong tulog, maaari mong subukang mahiga at gumising sa parehong oras araw-araw upang masanay ang iyong katawan.
Kailangan mo rin ng brain exercise upang pasiglahin ang iyong kaisipan. Sa simpleng pagbabasa, pag-aaral ng mga bagong bagay o kahit pa nga pagsagot sa word puzzles o sudoku ay magagawa mo ito.
Palawakin ang social network at tumawa
Ang pagkakaroon ng matibay na relasyon at support system ay malaking tulong sa iyong emotional at brain health. Humanap ng oras upang makipagkita at makipagkwentuhan sa mga kaibigan, sumali sa mga club o mag-volunteer sa iba’t-ibang cause upang palaguin ang iyong social network.
Ugaliin ding tumawa at mag-enjoy upang maiwasang isipin ang mga problema. Ika nga, “laughter is the best medicine.” Sumama sa mga masasayahing kaibigan upang mabawasan ang stress.
Kahit pa nga walang lunas ang Alzheimer’s disease, sa pagkakaroon ng malusog na pangangatawan at pag-iisip, maaaring maiwasan ito.