Ni Melrose Manuel
TINIYAK ni PNP Chief Police General Archie Francisco Gamboa na walang magiging pag-abuso sa kanilang hanay sa pagpapatupad ng Anti-Terrorism Law of 2020 matapos itong lagdaan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Sa Pulong Balitaan sa Camp Crame, sinabi ni Gamboa na napapanahon ang paglagda sa nasabing batas upang magkaroon ng ngipin ang kampanya kontra terorismo ng gobyerno.
Nito lamang Hunyo nang mapatay sa operasyon ng mga awtoridad sa Parañaque ang financial conduit ng Daulah Islamiyah at tatlo niyang kasamahan.
Habang nagdulot din ng matinding epekto ang Marawi Siege na kagagawan ng ISIS Inspired Maute Terrorist Group sa Marawi City noong 2017 at Rizal Day Bombing noong 2000.
Nauna nang nanawagan sa publiko si Defense Secretary Delfin Lorenzana na bigyan ng pagkakataon ang batas at huwag magpadala sa maling impormasyon.
Maigi rin aniya kung babasahin ang nilalaman ng batas na ang layunin ay malabanan ang terorismo sa bansa.