Ni Melrose Manuel
HINDI mapipigilan ang implementasyon ng Anti-Terrorism Law kahit maraming grupo ang naghain ng petisyon sa Korte Suprema upang pigilan ang pagpatutupad ng batas.
Ito ang inihayag ni Senate President Vicente Sotto III. Aniya, ang mismong batas ang kanilang depensa laban sa Temporary Restraining Order sa implementasyon ng bagong batas.
Mababatid na isang araw bago maging batas ang Anti-Terrorism Law ay may mga grupo ng mga abogado ang pumunta sa Korte Suprema para pigilan ang pagsasabatas nito.
Anila, maraming bahagi sa batas na labag sa konstitusyon kasama na ang karapatan o kalayaan sa pamamahayag at ang karapatan ng tao sa privacy.
Tiwala naman si Sotto na walang nilabag sa konstitusyon ng bansa ang anti-terrorism law para magkaroon ng basehan ang petition.
Giit din ni Sotto na nalulunod sa safeguards ang nasabing batas para lamang hindi ito maabuso sa bansa na sa katunayan ay ito pa ang pinaka-konserbatibong Anti-Terrorism Law sa buong mundo.