Ni Shane Elaiza Asidao
PARTE na ng routine ng karamihan sa atin ang paglalagay ng lotion sa katawan. Mahalaga ang lotion para ang balat ay panatilihing hydrated, malambot at makinis. Nagsisilbi rin itong proteksyon mula sa masamang epekto ng ultra-violet o UV-rays.
Ang regular na paggamit ng lotion ay mahalaga rin para maiiwasan ang skin irritation na resulta ng pagkatuyo ng balat.
Ngunit para higit na maging epektibo at kapaki-pakinabang ang paggamit nito, nararapat din na alamin natin ang wastong paggamit nito at kailan ito gagamitin.
Mayroong naglalagay ng lotion tuwing umaga lamang, mayroon namang sa gabi o sa kahit anong oras sa buong maghapon.
Ngunit, tuwing kailan nga ba mas mainam maglagay ng lotion?
Ayon kay Dr. Michael Kaminer, isang board-certified dermatologist at consultant ng skincare.com, mas epektibo maglagay ng lotion matapos maligo, kapag basa ang balat o kapag hydrated na ito. Gayunpaman, ayon sa skincare.com, hindi lamang sa gabi o araw dapat maglagay ng lotion kundi kailangan mas maraming beses sa isang araw para mapanatiling moisturized ang balat at upang maiwasan ang ilang skin problems hatid ng pang-araw-araw na gawain.
Karagdagan pa rito, anila, gumamit din ng lotion matapos mag-ahit para maiwasan ang dryness o pagkatuyo ng balat at para gumaling ito mula sa pagkairita ng balat mula sa razor na ginamit.
Maaari rin magpahid ng lotion sa gabi bago matulog dahil hindi lamang nakaka-relax ang paglalagay ng lotion kundi mananatili ring hydrated ang balat habang ikaw ay natutulog nang sa gayon ay matulungan itong mag-rejuvenate.
Tandaan lamang na suriing mabuti ang lotion na gagamitin at huwag basta basta bibili ng anumang produkto. Humanap ng hiyang sa iyong balat at mainam din na humingi ng opinyon mula sa lisensyadong dermatologist.