Ni Melrose Manuel
MULING nanindigan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na hindi niya pahihintulutang magkaroon ng face to face classes sa gitna ng pandemya.
Sa ikalimang State of the Nation Address sa Kongreso, iginiit ng pangulo na hindi niya kayang ilagay sa peligro ang kapakanan ng mga kabataan kung kaya’t hindi nya papahintulutan ang old-style educational system.
Ani Duterte, babawiin nya ang naging desisyon na pagpayag sa face-to-face classes sa mga low-risk areas dahil nakikita niya ang maaaring problemang kakaharapin dahil hanggang Setyembre, ay hindi pa posible na makakakuha ng COVID-19 vaccine.
Matatandaang, Oktubre pa inaasahang maglalabas ang Russia ng bakuna para sa virus.
Inatasan na ngayon ng pangulo ang Department of Education na makikipag-ugnayan sa Department of Information Communications Technology para lagyan ng internet connection ang lahat ng paaralan lalong-lalo na ang mga pampubliko para maka-avail ang lahat ng estudyante sa blended learning.
Mariing pinapanindigan parin ng pangulo na dapat talagang ipatupad ang blended learning sa mga paaralan gaya ng paggamit ng TV, radio at modules para mapanatili ang health protocols na ipinapatupad ng Inter-Agency Task Force at maiwasan ang paglaganap ng sakit.