Ni Arjay Adan
INIREREKOMENDA ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng flu at pneumonia vaccines upang mapigilan ang dagdag na komplikasyong dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon mismo kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Aniya, pabor ang kanilang departamento dito at sa katunayan ay mayroon silang ganitong klaseng programa para sa mga bata maging sa mga matatanda.
Aniya, maaari itong makatulong upang hindi magkaroon ng dagdag na komplikasyon ang mga taong mayroong COVID-19 dahil may ilang pasyente na nagpositibo sa virus ang nagkaroon na ng pneumonia o iba pang sintomas ng flu.
Ayon naman sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang ilan sa sintomas ng influenza o flu ay lagnat, ubo, sore throat, runny nose, muscle o body aches, headaches at fatigue – na kaparehas ng sintomas ng COVID-19.