Ni Arjay Adan
ABALA sa kanyang training ngayon si Greg Slaughter sa Estados Unidos upang mapabuti ang kanyang laro at maging parte ng Philippine Team Roster para sa 2023 FIBA Basketball World Cup.
Ayon sa 7-foot center na si Slaughter, hindi naging sigurado ang kanyang karera sa PBA ngunit ang paglalaro bilang parte ng national team ang kanyang pinaghahandaan at prayoridad.
Matatandaan na malaki ang naging ambag ni Slaughter sa Gilas Pilipinas sa idinaos na 2019 Southeast Asian Games kung saan nakapag-uwi ang bansa ng gintong medalya.
Maliban dito, natulungan din nito ang Ginebra upang mapanalunan ang 2019 Governor’s Cup.
Ngunit Pebrero ngayong taon nang biglaang umalis si Slaughter patungong Estados Unidos nang matapos ang kanyang kontrata sa Gin Kings kung saan sinabi nitong hindi siya inalok ng Ginebra ng panibagong kontrata.
Sa huli ay sinabi ni Slaughter na bukas ang kanyang pinto sa muling pagbabalik sa PBA.